Welcome to Feedmix official website.

Username:

Password

Submit

Clubfeedmix.aspx

http://www.fisherfarms.ph

Copyright © 2007 by Feedmix Nutrition Specialist Inc. All rights reserved.


Feedmix Aquaculture Business Club (FABC)

Isang natataning samahan sa ikauunlad ng pagpapalaisdaan

Ang Feedmix Aquaculture Business Club (FABC) ay inilunsad sa tulong ng mga fish growers sa Pampanga noong nakaraang buwan na kung saan ang mga ito ang nagsilbing unang grupo na kasapi.

Kung ating maaalala ang industriya ng pagpapalaisdaan sa Pampanga ay nagsimula sa maliit - na kung saan ang pag-aalaga at pagpaparami ng tilapia ay ginagawa lamang sa may likod bahay o bakuran at iba pang maliit na lugar. Mula sa 100 ektarya noong 1995, umabot na sa mahigit 3,000 ektarya ang sakop ng mga palaisdaan sa Candaba lamang, nagpapakilala ng mabilis na paglago ng ganitong uri ng negosyo. Kasabay ng pagdami ng fish growers ay ang pagsulpot ng iba pang mga negosyo na sumusuporta sa pagpapalaisdaan tulad ng pagbebenta ng aqua feeds, pagbibili at pagbebenta ng isdang inani (fish trading), pagbebenta ng lime at pataba, fish hatcheries at iba pang mga negosyo sa pagproseso ng isda.

Sa mabilis na paglago ng negosyo ng pagpapalaisdaan, mayroon pa ring mga aspeto sa industriya na dapat ayusin o baguhin - isa na rito ay ang pagdami ng mga informal "middlemen", mga bumibili at nagbebenta ng mga isda na kadalasan ay dumadayo sa mga palaisdaan pa lamang upang mamakyaw ng aanihin. Ang mga ito ay nagpapadali ng pagbebenta ng isda para sa mga may palaisdaan at pati na rin sa mga mamimili ng isda sa pamilihan, subalit ang ganitong pamamakyaw ay naging sanhi ng makasarili o di patas na transaksyon na nagpapabor sa bumibili at hindi sa nagpapalaisdaan. Ito ang nagbibigay ng suliranin sa industriya na nakakaapekto sa iba pang negosyo, tulad ng mga kumpanya ng feeds na nahihirapan ng magpautang o magbigay ng mas maluwag na termino sa mga palaisdaan dahil na rin sa hirap ng paniningil at di siguradong kita.

Dagdag pa dito ang maling sistema ng pagpopondo at pagpapautang na kung saan hirap ang mga fish growers na makautang dahil na rin sa takot ng mga nagpapautang. Hirap din ang mga fish growers na makakuha ng kaalaman hinggil sa bagong teknolohiya sa pagpapalaki ng tilapia at iba pang impormasyon hinggil sa presyo at kalakaran sa pamilihan.

Dahil dito, nagpasya ang Feedmix Nutrition Specialist, Inc. na ilunsad ang Feedmix Aquaculture Business Club o FABC na naglalayon na magkaroon ng regular na talakayan at palitan ng impormasyon hinggil sa mga suliranin at iba pang bagay na nakakaapekto sa industriya. Ang FABC bilang samahan ay naglalayon ding humanap at tumukoy sa mga bagong paraan upang makakuha ng pondo at pautang pati na insurance para sa mga kasapi nito. Ito ay magsisilbing susi upang magkaroon ng palitan ng mahalagang kaalaman hinggil sa makabagong teknolohiya at paraan ng pagpapalaisdaan na makapagpaparami ng ani at magpapalaki ng kita. Ang FABC ay naglalayon ding maghanap ng iba pang sektor o aspeto ng industriya na maaari pang paunlarin at palakihin sa pamamagitan ng pag-aaral sa iba pang uri ng negosyo na makakatulong upang maipagpatuloy ang pag-unlad ng industriya ng pagpapalaisdaan.

Ang FABC ay nakarehistro na sa Securities and Exchange Commission bilang non-stock, non-profit organization. Naglalayon ang FABC na magkaroon sa simula ng 200 kasapi. Ito ay mayroong pitong Board of Directors upang magbigay direksyon sa FABC at magsilbing screening committee para sa mga bagong kasapi.

Ang samahan ay mangongolekta ng membership fees na idedeposito sa bangko upang magsilbing puhunan ng FABC para makapagbigay ito ng pondo at makapagpautang sa mga kasapi nito sa oras na mangailangan ang mga ito. Ang pondo ay ipapautang sa mga kasapi at ito ay dadaan sa mga bangko at iba pang institusyong pinansyal, na kung saan magkakaroon ito ng interest na mas maliit o tulad ng itinatakdang interest sa merkado. Ang pondo ay gagamitin din bilang kolateral para makakuha ng pondo at makautang sa mga bangko at iba pang institusyong pinansyal, at maipautang naman sa mga kasapi nito sa oras ng matinding pangangailangan. Ang FABC ay kukuha lamang ng maliit na porsyento ng interest o tubo sa mga pinaikot na pondo sa mga kasapi nito. Ang matitirang kita mula sa interest at iba pang kikitain ng samahan ay hahatiin at ipamimigay sa mga kasapi kada dalawang taon bilang dibidendo (dividends).

Ang FABC magkakaroon ng isa o higit pang regular na pagtitipon o miting kada buwan, upang makapagbigay kaalaman hinggil sa mga nagaganap na pangyayari na makakaapekto sa industriya at mga kasapi nito. Dapat din itong magkaroon ng lugar para sa mga gawain at seminar nito na makatutulong upang mapaunlad ang kita ng mga nagpapalaisdaan at iba pang negosyo sa industriya. Ito rin ay naglalayon upang magkaroon ng sistema ng ugnayan at pagpapakalat ng impormasyon at kaalaman sa mga kasapi nito, pag-uugnay ng negosyo at relasyon ng mga nagpapalaisdaan at bumibili ng isda.

Ang FABC ang inaasahang magsisimula at magsasagawa ng mga hakbang sa industriya upang maprotektahan ang nagpapalaisdaan at mabawasan ang mga suliranin ng mga ito.


More news & features...

back to top

Home  |  Our Company  |  Products  |  Technical Tips  |  Technology  |  Our People  |  News & Features  |  Clubfeedmix

webmaster: raymond@feedmix.com